29. Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Jesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Dios, dahil nagpabautismo pa nga sila kay Juan.
30. Pero ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Dios para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan.
31. Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad?
32. Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’
33. Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’
34. At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’
35. Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”
36. Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon.
37. Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro.
38. Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.
39. Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.”
40. Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?”
41. Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50.
42. Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?”
43. Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus.
44. Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito.
45. Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako.
46. Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko.
47. Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.”