Lucas 6:17-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon.

18. Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu.

19. Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.

20. Tiningnan ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi sa kanila,“Mapalad kayong mga mahihirap,dahil kabilang kayo sa kaharian ng Dios.

21. Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,dahil bubusugin kayo.Mapalad kayong mga umiiyak ngayon,dahil tatawa kayo.

22. Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin na Anak ng Tao ay kamuhian kayo, itakwil, insultuhin, at siraan ang inyong pangalan.

23. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.

24. Ngunit nakakaawa kayong mga mayayaman,dahil tinanggap na ninyo ang inyong kaligayahan.

25. Nakakaawa kayong mga busog ngayon,dahil magugutom kayo.Nakakaawa kayong mga tumatawa ngayon,dahil magdadalamhati kayo at iiyak.

26. Nakakaawa kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

27. “Ngunit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Maging mabuti kayo sa mga galit sa inyo.

28. Pagpalain ninyo ang mga umaalipusta sa inyo. At idalangin ninyo ang mga nagmamalupit sa inyo.

29. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag may gustong kumuha ng balabal mo, ibigay mo. At kung pati ang damit mo ay kinukuha niya, ibigay mo na rin.

30. Bigyan mo ang sinumang humihingi sa iyo; at kapag may kumuha ng iyong ari-arian ay huwag mo na itong bawiin pa.

Lucas 6