13. Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niya silang mga apostol.
14. Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), Andres na kapatid nito, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome,
15. Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,
16. Judas na anak ng isa pang Santiago, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus.
17. Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon.
18. Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu.
19. Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.
20. Tiningnan ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi sa kanila,“Mapalad kayong mga mahihirap,dahil kabilang kayo sa kaharian ng Dios.
21. Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,dahil bubusugin kayo.Mapalad kayong mga umiiyak ngayon,dahil tatawa kayo.
22. Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin na Anak ng Tao ay kamuhian kayo, itakwil, insultuhin, at siraan ang inyong pangalan.
23. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24. Ngunit nakakaawa kayong mga mayayaman,dahil tinanggap na ninyo ang inyong kaligayahan.
25. Nakakaawa kayong mga busog ngayon,dahil magugutom kayo.Nakakaawa kayong mga tumatawa ngayon,dahil magdadalamhati kayo at iiyak.
26. Nakakaawa kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”