Lucas 4:21-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.”

22. Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?”

23. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ”

24. Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan.

25. Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon,

26. pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon.

27. Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat, ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.”

28. Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito.

29. Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin.

30. Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.

31. Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga.

32. Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad.

33. Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas,

34. “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.”

Lucas 4