Lucas 24:9-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa 11 apostol at sa iba pa nilang kasamahan.

10. Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila,

11. pero hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae.

12. Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang telang linen na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.

13. Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem.

14. Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang.

15. Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad.

16. Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin.

17. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha.

18. Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.”

19. Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?” At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya.

Lucas 24