47. Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Dios at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.”
48. Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
49. Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari.
50-51. May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios.
52. Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
53. Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan.