1. Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato.
2. At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!”
3. Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.”
4. Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!”
5. Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”
6. Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus.
7. At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.
8. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala.
9. Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot.
10. Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus.