Lucas 22:49-60 Ang Salita ng Dios (ASND)

49. Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?”

50. At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito.

51. Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito.

52. Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako?

53. Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”

54. Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya.

55. Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila.

56. Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!”

57. Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.”

58. Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro.

59. Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.”

60. Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok.

Lucas 22