Lucas 22:17-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Pagkatapos, kumuha siya ng inumin, nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian.

18. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios”

19. Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”

20. Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.

21. “Ngunit makinig kayo! Kasalo ko sa mesang ito ang taong magtatraydor sa akin.

22. Sapagkat ayon sa itinalaga ng Dios, Ako na Anak ng Tao ay papatayin, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin.”

23. Nagtanungan sa isaʼt isa ang mga tagasunod niya kung sino kaya sa kanila ang gagawa noon.

24. Nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila.

25. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Sa mundong ito, ang mga hari ay pinapanginoon ng mga nasasakupan nila, at ang mga may kapangyarihan ay gustong tawagin na ‘Tagatulong ng mga Tao.’

26. Ngunit hindi kayo dapat maging ganoon. Ang mas mataas ay dapat magpakababa, at ang pinuno ay dapat maging tulad ng isang tagapaglingkod.

27. Sapagkat sino ba ang mas mataas, ang pinaglilingkuran o ang naglilingkod? Siyempre, ang pinaglilingkuran. Ngunit naglilingkod ako sa inyo kahit na ako ang Panginoon ninyo.”

28. “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok na dinaranas ko.

29. Kaya kung paanong binigyan ako ng aking Ama ng kapangyarihang maghari, kayo rin ay bibigyan ko ng ganoong kapangyarihan.

30. Makakasalo ko kayo sa aking mesa sa aking kaharian, at uupo kayo sa mga trono upang mamahala sa 12 lahi ng Israel.”

Lucas 22