7. Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”
8. Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila.
9. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”
10. Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian.
11. Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.
12. “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin.
13. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin.
14. Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot.
15. Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban.
16. Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo.
17. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin.
18. Ngunit hindi kayo mapapahamak.
19. At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.
20. “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak.
21. Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem.
22. Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan.