23. Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya,
24. “Patingin nga ng pera. Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.”
25. Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.”
26. Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.
27. May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.)
28. Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.
29. Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak.
30-31. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae.
32. At kinalaunan, namatay din ang babae.
33. Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”