17. Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan:‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’
18. Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”
19. Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao.
20. Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador.
21. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo.
22. Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”
23. Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya,
24. “Patingin nga ng pera. Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.”
25. Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.”
26. Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.
27. May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.)
28. Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.
29. Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak.