33. Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol.
34. Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya.
35. Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
36. Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa
37. bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya. Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.
38. Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.
39. Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea.