27. Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol.
28. Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
29. “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.Mamamatay na ako nang mapayapa,
30. dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31. na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32. Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
33. Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol.
34. Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya.
35. Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
36. Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa
37. bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya. Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.