12. Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13. Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
14. “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
15. Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.”
16. Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.
17. At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol.
18. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol.
19. Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito.
20. Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.
21. Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.
22. Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon.
23. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”
24. At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
25. May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel.