21. Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.”
22. Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”
23. Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.
24. Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.
25. Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.”
26. Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?”
27. Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.”
28. Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.”
29. Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios
30. ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”
31. Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao.
32. Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan.
33. Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.”
34. Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
35. Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.
36. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari.
37. Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.”
38. Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David, maawa po kayo sa akin!”
39. Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!”