Lucas 17:6-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”

7. Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’?

8. Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’

9. Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin.

10. Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”

11. Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria.

12. Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo

13. at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!”

14. Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat.

15. Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios.

16. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.

Lucas 17