21. Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”
22. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari.
23. May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako.
24. Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan.
25. Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26. “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao.
27. Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat.
28. Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay,
29. hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom.