27. Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’
28. Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.
29. Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios.
30. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
31. Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32. Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko.
33. Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.
34. “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo.
35. Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”