19. Katulad ito ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
20. Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios?
21. Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
22. Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon.
23. May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus,
24. “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok.
25. Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’
26. At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’