Lucas 13:12-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.”

13. Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios.

14. Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

15. Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga?

16. Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.”

17. Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.

18. Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing?

19. Katulad ito ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

20. Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios?

21. Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

22. Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon.

23. May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus,

24. “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok.

25. Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’

26. At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’

27. Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’

Lucas 13