Lucas 12:6-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios.

7. Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”

8. Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios.

9. Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios.

10. Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.

11. “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo.

12. Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

13. Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.”

14. Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?”

15. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.”

16. At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana.

17. Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko.

18. Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko.

Lucas 12