27. Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!”
28. Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”
29. Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.
30. Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ako na Anak ng Tao sa henerasyong ito.
31. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang Reyna ng Timog at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.
32. Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.”
33. “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay.
34. Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, maliliwanagan ang buo mong katawan. Pero kung malabo ang mata mo, madidiliman ang buo mong katawan.
35. Kaya tiyakin mong naliwanagan ka, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala.
36. Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”
37. Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain.
38. Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio.
39. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan.
40. Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob?
41. Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.
42. “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu ng mga pampalasa at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.
43. “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar.