Lucas 11:13-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”

14. Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao.

15. Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!”

16. Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios bilang patunay na sugo siya ng Dios.

17. Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away.

18. Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.

19. Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo.

20. Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

21. “Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya.

22. Pero kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.

23. “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.”

24. “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar para maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan.

25. Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat,

26. aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”

27. Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!”

28. Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”

29. Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.

Lucas 11