Lucas 10:12-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Sinabi pa ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom.”

13. Sinabi pa ni Jesus, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo para ipakita ang pagsisisi nila.

14. Kaya sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon.

15. At kayo namang mga taga-Capernaum, inaakala ninyong pupurihin kayo kahit sa langit. Pero ihuhulog kayo sa lugar ng mga patay!”

16. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga sinugo niya, “Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

17. Masayang bumalik ang 72 tagasunod ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan nʼyo!”

18. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat.

19. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang daigin ang masasamang espiritu at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway nating si Satanas. At walang anumang makapipinsala sa inyo.

20. Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo.”

21. Nang oras ding iyon, napuno si Jesus ng kagalakang mula sa Banal na Espiritu. At sinabi niya, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sariliʼy mga marurunong at matatalino, at inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”

22. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais kong makakilala sa Ama.”

23. Humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at sinabi sa kanila ng sarilinan, “Mapalad kayo dahil nakita mismo ninyo ang mga ginagawa ko.

24. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at mga hari noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa panahon nila.”

25. Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng Kautusan upang subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?”

26. Sumagot si Jesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?”

27. Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip. At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

28. “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Gawin mo iyan at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.”

29. Pero ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya nagtanong ulit siya, “At sino naman po ang kapwa ko?”

Lucas 10