8. Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon.
9. At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar.
10. Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas.
11. Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso.
12. Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel.
13. Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya.
14. Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya,
15. dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu.