64. Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios.
65. Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon.
66. Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.
67. Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:
68. “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69. Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70. Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71. Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72. Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73. na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74. Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75. at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76. Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,“Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77. Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78. dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas
79. upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”
80. Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.