23. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias.
24. Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay.
25. Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”
26. Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea.
27. Pinapunta siya sa isang birhen na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David.
28. Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka, Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”
29. Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon.
30. Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios.
31. Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus.
32. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David.
33. Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”
34. Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”