6. Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.”
7. Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”
8. Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis.
9. Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar.
10. Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.
11. Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo.
12. Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar.
13. Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar.
14. Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.