Leviticus 9:18-23-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar.

19. Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay

20. ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar.

21. Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.

22. Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar.

23-24. At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.

Leviticus 9