Leviticus 7:4-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay.

5. Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.

6. Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki ng mga pari, pero dapat nila itong kainin doon sa banal na lugar dahil napakabanal nito.

7. Iisa ang tuntunin sa handog sa paglilinis at sa handog na pambayad ng kasalanan. Ang karne sa mga handog na ito ay para sa paring naghandog nito.

8. Ang balat naman ng hayop na inialay bilang handog na sinusunog ay para rin sa paring nag-alay nito.

9. Ganoon din sa lahat ng handog na butil na inialay bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon, na niluto sa hurno o sa kawali.

10. At ang lahat ng handog na pagpaparangal, may halo man itong langis o wala ay para na sa mga paring mula sa angkan ni Aaron at paghahati-hatian nila ito ng pantay-pantay.

11. Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon na iniaalay sa Panginoon.

12. Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa Panginoon, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis.

13. Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa.

14. Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.

15. Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa Panginoon ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.

16. Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan.

17. At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin.

Leviticus 7