18. Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.
19. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises
20. tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon.
21. Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya.
22. Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari.
23. Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.
24. Inutusan din ng Panginoon si Moises
25. na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal.
26. Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar.
27. Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda.
28. Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig.
29. Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog.