14. Kung bahay naman ang panatang handog sa Panginoon, titingnan muna ng pari ang nasabing bahay kung mabuti ba ito o hindi, at saka niya bibigyan ng halaga at hindi na maaaring baguhin pa.
15. Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bahay, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bahay at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito at saka ibabalik sa kanya ang bahay.
16. Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay bahagi ng lupaing minana sa kanyang mga magulang, itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng binhing maaaring ihasik sa lupaing iyon: Sa bawat kalahating sako ng binhing maihahasik, ang halaga ng lupa ay 20 pirasong pilak.
17. Kung ihahandog niya ang kanyang bukid pagkatapos ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ganoon pa rin ang halaga nito.
18. Pero kung sa bandang huli na niya ihahandog, bibigyan ito ng halaga ng pari ng mas mababa, batay sa dami ng taon na natitira hanggang sa susunod na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.
19. Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bukid, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bukid at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. At saka ibabalik sa kanya ang bukid.
20. Pero kung ipagbili niya ang bukid nang hindi pa niya natutubos, hindi na niya ito mababawi.
21. At pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, iyon ay sa Panginoon na, at hindi na niya mababawi pa. Iyon ay magiging pag-aari na ng mga pari.
22. Kung ang inihandog naman ay lupang binili,
23. itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng natitirang taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Dapat itong tubusin ng taong iyon. At ang halagang itinubos ay sa Panginoon na.
24. Sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang nasabing lupain ay isasauli sa may-ari na nagbenta ng lupaing iyon.
25. Ang lahat ng halaga ng mga ito na inihandog sa Panginoon ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.
26. Ang panganay na anak ng hayop ay sa Panginoon na, kaya itoʼy hindi na maaaring ihandog sa kanya. Ito ay sa Panginoon, maging baka man ito o tupa.
27. Pero kung ang hayop ay itinuturing na marumi, iyon ay maaaring tubusin ng may-ari. Babayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. Pero kung iyon ay hindi tutubusin ng may-ari, ipagbibili iyon ng pari ayon sa itinakdang halaga.