Leviticus 26:7-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila.

8. Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000.

9. Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo.

10. At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito.

11. Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan.

12. Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko.

13. Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.

16. Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani.

17. Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo.

18. At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.

19. Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.

20. Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.

21. At kung patuloy pa rin kayong hindi makikinig sa akin, dadagdagan ko pa ng pitong beses ang tindi ng parusa sa inyo.

22. Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop at papatayin nila ang inyong mga anak at mga alagang hayop. At dahil dito, kakaunti na lang ang matitira sa inyo at iilan-ilan na lang ang makikitang lumalakad sa daan ninyo.

23. Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin,

24. ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses.

25. Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban.

Leviticus 26