Leviticus 26:32-46 Ang Salita ng Dios (ASND)

32. Wawasakin ko ang inyong lupain at magtataka ang inyong mga kalaban na sasakop nito.

33. Pasasapitin ko sa inyo ang digmaan na gigiba ng inyong mga bayan at mga lungsod, at pangangalatin ko kayo sa mga bansa.

34-35. Habang bihag kayo ng inyong mga kalaban sa ibang lugar, makakapagpahinga na ang inyong lupain. Sapagkat noong nakatira pa kayo sa inyong lupain, hindi ninyo ito pinagpahinga kahit na sa panahon ng pagpapahinga ng inyong lupain. Pero ngayon ay makakapagpahinga na ito habang nasa ibang lugar kayo.

36-37. Kayong mga natitirang buhay na binihag at dinala ng inyong mga kalaban sa kanilang lugar ay padadalhan ko ng labis na pagkatakot. At kahit na kaluskos lang ng dahon sa ihip ng hangin ay katatakutan ninyo, tatakas kayong parang hinahabol upang patayin, kahit walang humahabol sa inyo. At habang tumatakas kayo, magbabanggaan kayo at magkakandarapa. Hindi kayo makakalaban sa inyong mga kalaban.

38. Mamamatay kayo sa lugar ng inyong mga kalaban.

39. At ang matitira sa inyoʼy unti-unting mamamatay dahil sa inyong mga kasalanan at sa kasalanan ng inyong mga ninuno.

40-41. Dahil sa inyong pagtataksil at pagsuway sa akin, kinalaban ko kayo at ipinabihag sa inyong mga kalaban. Pero kung ipapahayag ninyo ang inyong mga kasalanan at ang kasalanan ng inyong mga ninuno, at titigilan na ang inyong pagmamatigas, at tatanggapin ang mga parusa para sa inyong mga kasalanan,

42. tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob at ibabalik ko kayo sa inyong lupain.

43. Pero kinakailangang paalisin ko muna kayo sa inyong lupain bilang parusa sa inyong mga kasalanan dahil sa pagsuway ninyo sa aking mga utos at mga tuntunin. At para makapagpahinga ang lupain ninyo habang wala kayo roon.

44. Ngunit kahit na pinarurusahan ko kayo, hindi ko kayo itatakwil habang kayoʼy nasa lupain ng inyong mga kalaban. Hindi ko kayo lilipulin na walang matitira sa inyo. Sapagkat hindi ko maaaring sirain ang kasunduan ko sa inyo, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.

45. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na inilabas ko sa Egipto para maipakita ko sa mga bansa ang aking kapangyarihan. Ginawa ko ito sa inyong mga ninuno para maging Dios nila ako. Ako ang Panginoon.

46. Ito ang mga utos at mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita roon sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.

Leviticus 26