2. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang lugar na pinagsasambahan ninyo sa akin. Ako ang Panginoon.
3. Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos,
4. pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy.
5. Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.
6. Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo.
7. Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila.
8. Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000.
9. Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo.
10. At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito.
11. Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan.
12. Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko.
13. Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.
16. Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani.
17. Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo.
18. At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.