2. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang lugar na pinagsasambahan ninyo sa akin. Ako ang Panginoon.
3. Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos,
4. pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy.
5. Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.
6. Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo.
7. Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila.
8. Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000.
9. Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo.
14-15. Pero kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi ninyo susundin ang aking mga utos at tuntunin, nilalabag ninyo ang kasunduan ko sa inyo.
16. Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani.
17. Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo.
18. At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.
19. Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.
20. Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.
21. At kung patuloy pa rin kayong hindi makikinig sa akin, dadagdagan ko pa ng pitong beses ang tindi ng parusa sa inyo.
22. Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop at papatayin nila ang inyong mga anak at mga alagang hayop. At dahil dito, kakaunti na lang ang matitira sa inyo at iilan-ilan na lang ang makikitang lumalakad sa daan ninyo.
23. Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin,
24. ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses.
25. Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban.
26. Kukulangin kayo ng pagkain, kaya iisang kalan ang paglulutuan ng tinapay ng sampung babae at iyon ay paghahati-hatian pa ninyo. Makakakain nga kayo pero hindi kayo mabubusog.
27. At kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pang susuway sa akin,
28. magagalit na ako sa inyo at kakalabanin ko kayo, at parurusahan ko kayo ng pitong beses.
29. Gugutumin ko kayo, at mapipilitan kayong kumain ng sarili ninyong anak.