Leviticus 25:34-43 Ang Salita ng Dios (ASND)

34. Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.

35. Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo.

36-37. Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios.

38. Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.

39. Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin.

40. Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

41. Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno.

42. Kayoʼy mga alipin ko, kayoʼy mga Israelitang inilabas ko sa Egipto. Kaya huwag ninyong ipagbibili ang inyong sarili para maging alipin.

43. Huwag ninyong pagmamalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin na inyong Dios.

Leviticus 25