3-4. Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas.
28. Pero kung kulang ang perang pantubos niya, mananatili ang lupain sa bumili hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. At sa taong iyon, ibabalik na sa kanya ang lupain niya nang walang bayad.
29. Kung may taong magbenta ng kanyang bahay na nasa napapaderang lungsod, maaari pa rin niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos niyang ipagbili.
30. Pero kung hindi niya ito matubos sa loob ng isang taon, ang bahay na iyon ay lubusan nang magiging pag-aari ng bumili at ng mga angkan nito magpakailanman. Hindi na ito maaaring bawiin ng may-ari sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.
31. Ngunit ang mga bahay sa mga baryo na walang pader ay ituturing na katulad ng bukid na maaaring matubos o mabawi sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.
32. Maaaring tubusin ng mga Levita kahit kailan ang kanilang mga bahay na nasa kanilang bayan.
33. Kung hindi nila iyon matubos, ibabalik iyon sa kanila sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sapagkat ang mga bahay sa kanilang bayan ay para sa kanila dahil bahagi nila ito na ibinigay ng kapwa nila Israelita.
34. Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.
35. Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo.
36-37. Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios.
38. Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.
39. Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin.
40. Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.
41. Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno.