Leviticus 24:1-4-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1-4. Sinabi ng Panginoon kay Moises na iutos ito sa mga Israelita:Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng Panginoon. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

5. Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina.

6. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay.

7. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay.

8. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman.

9. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.

10-11. May isang tao noon na ang ama ay isang Egipcio at ang ina ay Israelita. (Ang pangalan ng ina niya ay si Shelomit na anak ni Dibri na mula sa lahi ni Dan). Siyaʼy nakipag-away sa isang Israelita roon sa kampo, at nilapastangan niya ang pangalan ng Panginoon. Kaya dinala nila siya kay Moises,

12. at ikinulong nila siya hanggang sa malaman nila kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin sa kanya.

13. Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Moises,

14. “Dalhin ninyo sa labas ng kampo ang taong iyon na lumapastangan sa akin. At ang lahat ng nakarinig ng kanyang paglapastangan ay magpatong ng kanilang mga kamay sa ulo niya bilang patunay na siyaʼy dapat managot, at pagkatapos, babatuhin siya ng buong mamamayan.

Leviticus 24