5. Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina.
6. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay.
7. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay.
8. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman.
9. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.
19-20. Kapag sinaktan ng sinuman ang kanyang kapwa, kailangang saktan din siya katulad ng ginawa niya. Kung binali niya ang buto ng iba, babaliin din ang buto niya, kung dinukot niya ang mata ng iba, dudukutin din ang mata niya, at kung binungi niya ang ngipin ng iba, bubungiin din ang ngipin niya.
21. Ang sinumang makapatay ng hayop ng iba ay dapat niya itong palitan, ngunit ang makapatay ng tao ay dapat ding patayin.
22. Ang mga utos na itoʼy para sa inyong lahat, katutubong Israelita man o dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”
23. Pagkatapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, dinala nila ang taong iyon na lumapastangan sa Dios doon sa labas ng kampo at binato ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.