22. Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.
23-24. Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya.
25. Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
26-28. Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios.
29. Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
30. Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon.