Leviticus 23:19-38 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.

20. Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari.

21. Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

22. Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.

23-24. Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya.

25. Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

26-28. Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios.

29. Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

30. Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon.

31-32. Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

33-34. Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw.

35. Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon.

36. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw, hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.

37. Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito.

38. Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon.

Leviticus 23