Leviticus 20:22-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan.

23. Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila.

24. At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.

25. Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko.

26. Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.

27. Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.

Leviticus 20