3. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
21-22. Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.
23. Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon.
24. Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin.
25. Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
26. Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.
27. Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas.
28. At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.
29. Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.
30. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.
31. Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
32. Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.
33. Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.
34. Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
35. Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal.
36-37. Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.