1. Inutusan ng Panginoon si Moises
2. na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal.
3. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
4. Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
5. Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin.
6. Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito.
7. Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na.
8. At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
9. Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira.
10. Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
11. Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.
12. Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon.
13. Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.
14. Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.
15. Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.
16. Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.
17. Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.
18. Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.