4. Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.
5. Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.
6. Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya.
7. Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
8. At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.
9. Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis.
10. Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.
11. Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya.
12. Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar.