Leviticus 16:25-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

25. Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26. Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

27. Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin.

28. At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

29-31. Ito naman ang mga tuntuning dapat gawin ng mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama nila, at itoʼy dapat sundin magpakailanman. Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat silang mag-ayuno at huwag magtrabaho, katulad ng Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa kanilang mga kasalanan para silaʼy maging malinis sa presensya ng Panginoon.

32. Sa mga susunod na salinlahi, ang paring napili at inordinahan upang pumalit sa kanyang ama bilang punong pari ang siyang gagawa ng seremonyang ito. Isusuot niya ang kanyang damit bilang punong pari,

33. at gagawin niya ang seremonya ng paglilinis sa Pinakabanal na Lugar, ng iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, ng mga pari, at ng mga mamamayan ng Israel.

34. Kinakailangang sundin nila ang mga tuntuning ito magpakailanman. At itoʼy gagawin nila minsan sa isang taon.At ginawa ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Leviticus 16