Leviticus 16:10-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

11. Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya.

12. Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar.

13. Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay.

14. Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15. Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro.

16. Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel.

17. Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel,

18. saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin.

19. Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20. Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing.

21. Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang.

22. Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23. Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon.

Leviticus 16