42. At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.
43. Pero kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay,
44. pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay.
45. Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.
46. Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
47. At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.
48. Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag.
49. At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo.
50. Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal.
51. At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buhay na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay.
52. Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buhay na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay.
53. Pagkatapos, pakakawalan niya ang buhay na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.
54-57. Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na nakakahawa at kumakati, o namamaga, o may butlig o namumuti, at tungkol sa amag ng damit at amag sa bahay. At sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi.